-- Advertisements --

Kasado na ang imbestigasyon ng Senado ukol sa talamak na online gambing sa bansa. 

Pangungunahan ni Senador Erwin Tulfo, bilang chairman ng Senate Committee on Games ang Amusement ang mga inihaing panukalang batas kontra online gambling sa Agosto 14. 

Ayon sa senador, nangako siyang uunahin ang pagtalakay sa mga panukalang batas na ito dahil maituturing na krisis ang sitwasyon. 

Giit niya, kailangan na itong agad aksyunan upang maresolba ang mga problemang kaugnay nito.

Bagama’t total ban ang nais ng Senador, pakikinggan pa rin umano niya ang posisyon ng gobyerno tulad ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) at Department of Finance. 

Aniya, titingnan pa rin ang pros and cons kung tuluyan nang masawata ang online gambling.

Ipinunto ng senador na walang regulasyon kaya walang tigil ang pagsusugal ng mga tao — wala rin aniyang kontrol kung magkano ang itataya sa naturang sugal. 

Binigyang-diin pa nito na na kailangang timbangin kung alin ang mas mahalaga—ang kita mula sa pagsusugal o ang masamang epekto nito sa lipunan.

Tatalakayin ng Senate Games and Amusement Panel ang apat na batas, tatlong resolusyon, at privilege speech patungkol sa online gambling.