Nagbabala ang isang mataas na opisyal ng United Nations na maaaring humantong sa panibagong humanitarian crisis ang planong militar ng Israel na kunin ang kontrol sa Gaza City.
Ayon kay UN Assistant Secretary General Miroslav Jenca sa pulong ng UN Security Council, ang pagpapatupad ng naturang plano ay maaaring magdulot ng malawak na epekto sa rehiyon, kabilang ang karagdagang sapilitang paglikas, pagkasawi ng mga sibilyan, at pagkasira ng mga imprastruktura.
Ipinatawag ang bihirang emergency meeting ng Security Council nitong weekend matapos aprubahan ng security cabinet ni Prime Minister Benjamin Netanyahu ang panukala.
Nagdulot ito ng matinding reaksiyon mula sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Britain, na bagama’t kaalyado ng Israel ay nagbabala na maaari nitong pahabain pa ang umiiral na sigalot.
Sa kabila ng mga pangamba, iginiit ni Netanyahu na wala silang layuning sakupin ang Gaza at nais lamang nilang tapusin ang digmaan sa “maikling takdang panahon.”