Nag-aalangan pa umano ang ibang mga NBA players tungkol sa pagbabalik ng 2019-20 season sa harap ng coronavirus pandemic.
Ito’y kahit aprubado na ng NBA board of governors ang pagpapatuloy muli ng regular season sa katapusan ng Hulyo, na gaganapin sa iisang venue sa Disney World sa Orlando, Florida.
Batay sa ulat, maraming mga players na lumahok sa isang conference call ang naghayag ng kanilang saloobin tungkol sa isyu.
Inaasahan din na isasapinal na ng liga at ng NBA Players Association ang probisyon kung saan hindi oobligahin ang mga manlalaro sa pagsisimula ulit ng season.
Hindi rin papahintulutan ang liga na parusahan ang mga players na mananatili lamang sa kanilang tahanan, ngunit mababawasan naman ang sahod ng mga players sa kada laro na hindi nila sasalihan.
Dahil sa pagpapatuloy muli ng NBA, obligado ang players ng 22 teams na manatili lamang sa resort sa Florida hanggang sa matapos ang season.