KALIBO, Aklan—Iniimbestigahan na sa ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pinagmulan ng mahigit isang scallop shells na nagkalat sa dalampasigan ng Station 1 Barangay Balabag sa isla ng Boracay.
Ayon kay Haron Deo Vargas, isang marine biologist ng City Environment and Natural Resources Office ng Boracay, maaaring may nanguha ng scallops at itinapon na lamang ang mga shells nito sa dalampasigan matapos na kinuha ang laman.
Isa din umano sa posibilidad ay ang sabay-sabay na pagkamatay sa ilalim ng dagat ng mga scallops sa hindi pa malamang dahilan at habang nasa decomposition stage ay kinain ng mga isda ang laman nito kung kaya’t lumitaw ang mga shells at dinala ng alon sa dalampasigan.
Ito aniya ang unang pagkakataon na may nakitang scallop shells na nagkalat sa baybayin ng Boracay ngunit walang dapat na ikabahala ang mga mamamayan.
Dagdag pa ni Vargas, sinimulan nang alisin ang mga patay na kabibe upang maiwasang masugatan ang mga dumadaan sa lugar kung saan, ang ilan dito ay balak gawing decorations at designs ng mga residente upang may pagkaabalahan habang nasa general community quarantine pa ang buong lalawigan ng Aklan.