Ilang libong mga Russians ang dumalo sa libing ng kritiko ni President Vladimir Putin na si Alexey Navalny.
Hindi nila inalintana ang banta ng pag-aresto ng kapulisan na nakakalat sa mga daanan patungo sa sementeryo kung saan inilagak ang bangkay nito.
Kabilang sa dumalo ang mga magulang ni Navalny, mga foreign diplomats na kinabibilangan ni Ambassador to Russia Lynne Tracy.
Hindi naman nakadalo ang asawa nito na si Yulia Navalnaya na nasa ibang bansa at nangangamba baka magkaroon pa ng pag-aresto sa kaniya dahil sa mga pahayag nitong pag-akusa kay Putin na siyang nasa likod ng pagkasawi ng asawa.
Sa mensahe ni Yulia na ipinadala ay pinasalamatan niya ang asawa sa 26 taon nilang pagsasama.
Gagawin niya ang lahat ng makakakaya para maging masaya ito at maipagmalaki siya nito.
Wala naman naging mensahe ang Kremlin sa libing ni Navalny kung saan sinabi ni Kremlin spokesperson Dmitry Peskov ang hindi otorisadong memorials at pagtitipon ay isang paglabag sa batas kaya asahan ang kanilang gagawing pag-aresto.
Umabot sa 45 katao ang ikinulong dahil sa pagpupumilit na makalapit sa libing ni Navalny.
Magugunitang pumanaw si Navalny habang nasa penal colony ng Moscow noong Pebrero 16.
Sinabi ng mga Russian authorities na bigla na lamang ito nanghina matapos ang paglalakad.
Hindi naman naniwala ang kaanak ni Navalny at direktang itinuro si Putin na nasa likod pagkasawi nito.
Naging matunog ang pangalan ni Navalny ng ito ay lasunin ng nerve agent noong 2020 habang ito ay nasa eroplano dahil sa pagiging kritiko ni Putin kung saan hinikayat nito ang mga Russians na huwag sumuko kahit na sa kaniyang kamatayan.