-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinangangambahan ngayon ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) sa South Korea ang patuoy na paglobo ng kaso ng nakamamatay na Coronavirus Disease (COVID-19).

Sa report ni Bombo international correspondent Junmar Tiban, tubong Sablan, Benguet at isang factory worker sa Gyeonggido Pocheon-si, South Korea, pinangangambahan nila ang posibleng pagdeklara ng travel ban doon.

Aniya, nakatakda sana siyang magbabakasyon sa Pilipinas sa Abril ngunit posibleng hindi na ito matuloy dahil sa sitwasyon sa South Korea kung saan daan-daang mga tao ang apektado dahil sa COVID-19.

Dagdag pa niya, gusto na niyang umuwi sa Pilipinas dahil labis na ang pangambang idinudulot ng coronavirus sa mga tao sa Korea.

Hindi na rin sila nagtutungo sa mga matataong lugar bilang pagsunod sa precautionary measures kontra sa virus.

Sinabi pa ni Tiban na may ilang kompaniya sa South Korea ang sapilitang nagsasagawa ng quarantine sa kanilang mga empleyado sa loob ng isang linggo kung saan may mga Pilipinong apektado sa virus.

Batay sa pinakabagong report, nasa 10 ang nasawi sa South Korea dahil sa COVID-19 at naitala ang 144 na bagong kaso samantalang pumalo na sa 977 ang kaso ng virus sa naturang bansa.