Nakapagtala ng pagtaas sa mga kaso ng leptospirosis ang ilang ospital ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila.
Sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City, nasa 35 pasyente ang napaulat na kasalukuyang naka-admit sa ospital base sa datos ngayong Biyernes, Agosto 8.
Tumaas ito mula sa 20 pasyenteng naka-admit lamang sa naturang pagamutan noong nakalipas na apat na araw.
Nagsimulang tumaas ang mga na-admit na pasyenteng dinapuan ng leptospirosis sa NKTI noong Hulyo 21, kasabay ng pagsisimula ng southwest monsoon season.
Simula noong Enero, nasa kabuuang 107 kaso na ng sakit ang naitala sa ospital kung saan 54 dito na ang nakarekober, may apat na inilipat sa ibang pasilidad habang may 13 ang binawian ng buhay.
Inihanda naman na ng ospital ang gymnasium nito para magamit bilang ward para ma-accommodate ang mga pasyenteng dinapuan ng naturang sakit.
Samantala, sa San Lazaro Hospital sa Maynila, sumampa na sa 104 ang mga pasyenteng may leptospirosis ang na-admit sa ospital kung saan umakyat na sa 13 ang nasawi.
Iniuugnay ang pagtaas ng mga dinadapuan ng sakit kasunod ng mga nagdaang pagbaha dulot ng magkakasunod na bagyo at habagat na naminsala sa bansa noong Hulyo.
Sa kabila naman ng pagtaas aniya ng kaso ng leptospirosis sa ospital, sinabi ng San Lazaro Hospital’s Medical Center chief nag-plateau na ang bilang ng mga kaso.
Patuloy naman ang paghikayat ng mga ospital at DOH sa publiko na kapag lumusong sa mga tubig-baha ay agad maghugas ng malinis na tubig at sabon at magpakonsulta sa pinakamalapit na health center para makatanggap ng prophylactic treatment na inireseta ng doctor may sugat man o wala.