-- Advertisements --

LAOAG CITY – Lubos ang pasasalamat ng ilang delegado mula sa iba’t-ibang rehiyon sa mainit na pagtanggap sa kanila dito sa Ilocos Norte para sa Palarong Pambansa 2025.

Sa ngayon ay halos dumating na lahat ang mga delegasyon mula sa 18 rehiyon kung saan pare-pareho lamang ang naging obserbasyon nila, ito ay ang pagiging hospitable ng mga taga Ilocos Norte.

Pinuri din ng mga bisita ang ginawang paghahanda ng lalawigan lalong-lalo na pagdating sa security sapagkat maliban sa mga miyembro ng Philippine National Police, Philippine Army at iba pang Law Enforcement Unit, ay kasama rin sa mga nagbabantay sa mga billeting areas ay mga barangay tanud.

Hinggil dito, sinabi ni Dr. Janet Jay Amboy, ang Public Schools District Supervisor ng Las Piñas City na maliban sa mainit na pagtanggap sa kanila ay ramdam din nila ang buong suporta ng lalawigan at pagpapahalaga nito sa mga atleta para sa Palarong Pambansa 2025.

Samantala, inihayag naman ni Dr. Thong Amino mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na higit pa sa kanilang inaasahan ang ganda ng Ilocos Norte.

Dagdag pa niya na minsan lamang sila nakapunta dito sa lalawigan kaya gusto nilang lubos-lubosin ang pamamasyal sa mga magagandang lugar.