-- Advertisements --

Hindi kumbinsido ang ilang dating empleyado ng NAIA sa pagbaba ng NNIC sa overnight parking rates para sa mga biyahero sa NAIA.

Ayon kay Romy Sauler, spokesperson ng “PUSO ng NAIA” , hindi ito ang sagot sa problema ngayon sa paliparan na nag-ugat sa public-private partnership sa itinuturing na main international airport.

Aniya ang iba pang airport fees sa NAIA ang naging dahilan ng jobs dislocation at ng pagkawala ng accessible air transport sa milyun-milyong mga Pilipino.

Una nang inanunsyo ng paliparan ang pagpapatupad nito ng ₱600 na overnight parking rates para sa mga beripikadong pasahero at legitimate airport users na naging epektibo noong August 1.

Paliwanag ng NNIC , ang bagong parking system ay layong magkaroon ng efficient management sa lahat ng parking facilities ng paliparan.

Iginiit din ni Sauler na hindi naman talaga ang SMC ang totoong nagpopondo sa rehabilitasyon ng NAIA sa halip ay pera ng taong bayan.

Kaugnay nito, hiniling ng grupo ang agarang suspension ng NAIA concession agreement para bigyang daan ang full independent review sa MIA-SMC deal.

Una nang nagbabala ang grupo na posibleng umabot sa 10,000 manggagawa ng NAIA ang mawalan ng trabaho kapag nagpatuloy ang pagsasapribado sa paliparan.