-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Lumakas pa ang ulat na target nang pambobomba ng mga terorista ang ilang bayan sa probinsya ng Cotabato.

Ito mismo ang kinomperma ni 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion Philippine Army Commanding Officer Lieutenant Colonel Rommel Mundala kasabay ng Municipal Peace and Order Council (MPOC) meeting sa bayan ng Kabacan Cotabato.

Target na pasasabugan ng grupo ni Salahuddin Hassan alyas Kumander Orak ng Dawla Islamiyah Hassan Group ang bayan ng Kabacan at mga karatig lugar.

Kaugnay nito ay pinalakas pa ng 90th IB katuwang ang pulisya at pakipagtulungan ng mga friendly forces ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) Moro National Liberation Front (MNLF),LGU at mga Force Multipliers para ma-monitor ang galaw ng grupo ni Hassan.

Nanawagan naman si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr sa lahat ng mga opisyal ng Barangay na agad i-report sa mga otoridad kung may mapansin itong mga tao o grupo na kahina-hinala ang galaw.

Dagdag ng Alkalde na ang mga Opisyal ng Barangay ang unang nakakaalam kung may mga rebelde o terorista na papasok sa kanilang Barangay o mga tao na hindi nila kilala.

Pinawi naman ni Colonel Mundala ang pangamba ng taumbayan at tiniyak nito na kontrolado ng mga otoridad ang peace and order situation sa bayan ng Kabacan.

Naka-alerto rin ang bayan ng Kabacan sa anumang saguna kagaya ng pagbaha at ibang kalamidad lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Una nang nagpaabot ng tulong ang LGU Kabacan sa mga pamilya na sinalanta ng baha at buhawi.

Nakatutok rin ang lokal na pamahalaan ng Kabacan sa kampanya kontra Coronavirus Disease (Covid-19).

Nagpaalala lagi si Mayor Guzman Jr na walang ibang gamot laban sa deadly virus kundi disiplina sa sarili,magpabakuna at laging pagsunod sa minimum health protocols.