-- Advertisements --

Namataan ang dalawang barkong pandigma ng China habang nagsasagawa ng joint patrol ang Philippine at Indian Navies sa West Philippine Sea, base sa militar nitong Lunes.

Ayon kay Lt. Col. John Paul Salgado ng Armed Forces of the Philippines (AFP), namonitor ng barkong pandigma ng bansa na BRP Miguel Malvar ang dalawang barko ng People’s Liberation Army-Navy (PLA-N), na isang Jiangkai II Class frigate na may bow number 551 at isang Luyang Class destroyer na may bow number 161.

Ang Jiangkai frigate ay naispatan sa layong 10 nautical miles, habang ang Luyang destroyer naman ay 15 nautical miles ang layo mula sa BRP Miguel Malvar.

Gayunpaman, ayon kay Salgado, walang naging panghihimasok mula sa mga barko ng China at maayos na natapos ang kanilang aktibidad.

Sa kabila nito, patuloy na binantayan ang galaw ng mga barko ng PLA-N.

Noong Linggo, sumama sa BRP Miguel Malvar ang mga barkong pandigma ng India kabilang ang guided missile destroyer Indian Navy Ship (INS) Delhi, anti-submarine warfare corvette INS Kiltan, at fleet tanker INS Shakti.

Ang sanib-pwersang pagpapatroliya naman ng Pilipinas at India ay isinagawa kasabay ng pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa India bilang tugon sa imbitasyon ni Prime Minister Narendra Modi.