-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumakalat na video online na nagpapakita ng umano’y naval standoff sa pagitan ng barko ng Pilipinas at Malaysia.

Sa isang statement, iniuri ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang lumabas na video bilang “fake”. Pawang fabricated lamang o gawa-gawa aniya ang video at walang nangyari na ganitong insidente.

Sa video na inupload ng Info Spark Hub sa Youtube channel nito, muling nagkaroon umano ng tensiyonadong standoff ang naval vessel ng Pilipinas at Malaysia sa may Sabah, isang rehiyon na may matagal ng territorial disputes ang dalawang bansa.

Ang Philippine Navy corvette na BRP Magat Salamat at Malaysian patrol vessel KD Pahang ang sangkot umano sa naturang standoff na nangyari umano noong Agosto 11, 2025.

Inisyuhan umano ng radio challenge ng Malaysian patrol vessel ang barko ng Pilipinas para mag-iba ng direksiyon at lisanin ang inaangkin nitong territorial waters, subalit tumanggi umano ang kapitan ng BRP Magat na lisanin ang lugar at iginiit na nago-operate ito sa loob ng katubigan ng Pilipinas.

Matapos aniya ang ilang negosasyon at back-channel communications, natapos ang standoff nang walang karahasan

Subalit, inihayag naman ng AFP na layunin lamang ng naturang video na dungisan ang 60 taong diplomatic ties ng ating bansa sa Malaysia, sirain ang tiwala ng publiko sa Sandatahang Lakas at mag-udyok ng walang kabuluhang tensiyon.

Banta din aniya ang ganitong uri ng disinformation sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon, na pawang political o strategic agendas lamang ang pakay.

Kaugnay nito, naninindigan ang AFP sa commitment nito para sa katotohanan, transparency at pagprotekta sa ating mga pambansang interes at iginiit na ang katotohanan ang ating pinakamalakas na depensa sa gitna ng mga pinapakalat na maling impormasyon.