-- Advertisements --

Ibinunyag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na huling natunton sa Japan si Cassandra Li Ong, ang otorisadong kinatawan ng sinalakay at pinasarang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.

Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, sinabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio, nagtungo si Ong sa Japan sa unang kwarter ng 2025 matapos mapalaya mula sa detention ng Senado.

Subalit, inamin ng opisyal na matapos siyang matunton sa Japan wala na silang ideya kung saan na nagtungo si Cassie Ong.

Inilabas naman aniya kalaunan ang warrant of arrest laban kay Ong noong bandang Marso o Mayo na.

Subalit, ayon sa PAOCC official, subject na ng Interpol Red Notice si Ong at kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa iba pang law enforcement agencies para hanapin si Ong at maibalik sa Pilipinas.

Nakadepende naman na aniya sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkansela sa pasaporte ni Ong.

Matatandaan, nauna ng napag-alaman na wala na sa Pilipinas si Ong nang isiwalat ni Senator Sherwin Gatchalian sa sesyon ng Senado nitong Biyernes.

Base sa Senador, sa kasagsagan ng transition sa pagitan ng 19th at 20th Congress pinalaya si Ong.

Paliwanag ng Senador, pinalaya si Cassie Ong nang matapos ang 19th Congress dahil wala pa namang kasong isinampa noon laban sa kaniya.

Sa ngayon, mayroong nakabinbing arrest warrant laban kay Ong kaugnay sa kasong qualified human trafficking.