-- Advertisements --

Binasag na ni CWS Party-list Representative Edwin Gardiola ang kaniyang pananahimik matapos makaladkad ang kaniyang pangalan sa anomaliya sa flood control projects.

Sa isang statement, nagpahayag ng pagkadismaya ang mambabatas nang marinig ang kaniyang pangalang nabanggit sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

Mariing pinabulaanan din niya ang anumang pagkakasangkot sa mga paratang na ibinabato laban sa kaniya. Aniya, walang katotohanan ang naturang mga alegasyon.

Nauna ng nakaladkad ang pangalan ng mambabatas sa isyu ng maanomaliyang mga proyekto matapos siyang akusahan ng kapwa niya kongresista na si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ng “pre-order” ng infrastructure at farm-to-market road projects na nagkakahalaga ng mahigit P22 billion.

Inakusahan din si Gardiola na konektado sa ilang mga kompaniya na mayroong “pre-assigned” projects kahit bago pa magsimula ang bidding process.

Subalit, ayon kay Cong. Gardiola, nakahanda siyang harapin ang testigo na nagdawit sa kaniya sa tamang forum.

Aniya, may utang na loob siya sa kaniyang mga nasasakupan/constituents, pamilya at sa mamamayang Pilipino para linisin ang kaniyang pangalan.

Matatandaan, nitong Miyerkules, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sampahan ng mga reklamong kriminal at administratibo si Gardiola at iba pang “Congtractors”.