Binigyang-diin ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre ang mahalagang ugnayan ng batas, pananampalataya, at adyenda ng Women, Peace, and Security (WPS).
Ginawa ni Acidre ang pahayag sa ginanap na ika-7th International Forum on Law and Religion na ginanap noong 21 Nobyembre 2025 sa UP Bonifacio Global City.
Ang nasabing event ay dinaluhan ng mga legal expert, faith leaders, at peace practitioners mula sa Southeast Asia, Europe, at Pacific, tinalakay ng forum kung paano hinuhubog ng legal, kultural, at relihiyosong pananaw ang usaping pangkapayapaan at pangkababaihan.
Kabilang sa mga pangunahing tagapagsalita sina Elder James R. Rasband, Sen. Loren Legarda, at Rep. Acidre.
Sa plenary address ni Acidre na pinamagatang “Voicing Our Faith in Today’s Society,” binigyang-diin ng kongresista ang tatlong haligi ng pananampalataya sa pamamahala—konsiyensya, komplementaridad, at komunidad.
Iginiit ng mambabatas na ang pananampalataya ay hindi paglayo mula sa lipunan kundi pakikiisa sa mga hamon at pag-asa nito.
Tinalakay din niya ang doktrinang “benevolent neutrality” sa Pilipinas, kabilang ang Estrada v. Escritor at Code of Muslim Personal Laws, bilang halimbawa ng pag-accommodate ng estado sa paniniwalang panrelihiyon habang pinangangalagaan ang pluralismo.
Ikinonekta ni Acidre ang mga prinsipyong ito sa WPS agenda, binibigyang-diin ang malaking papel ng faith-based networks sa humanitarian response, conflict mediation, at pagpapanatili ng social cohesion sa mga komunidad.
Inanunsyo rin niya ang pagtatatag ng Southeast Asia Consortium on Law and Religion Studies (SEACRS), na layong palakasin ang pananaliksik at dialogue sa constitutionalism at interfaith engagement sa rehiyon.
Iginiit ni Acidre mahalagang manatiling nakaugat sa moral na batayan ang ugnayan ng batas, pananampalataya, at pampublikong polisiya.
















