-- Advertisements --

Pumirma ng manifesto ang 18 Police Regional Directors upang ipakita ang kanilang suporta kay Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Nicolas Torre III.

Ito ay sa gitna ng umano’y namumuong turf war sa pambansang pulisya kasunod ng paglabas ng National Police Commission (Napolcom) ng isang kontrobersyal na resolusyon na mistulang napapawalang-bisa sa otoridad ni Gen. Torre na mag-reassign ng ilang senior police officials.

Nakasaad sa naturang manifesto ang pagtindig at pagsuporta ng 18 regional director, kasama ang kanilang mga nasasaklawang police officials, sa liderato ni PGen. Torre.

Batay pa sa manifesto, hindi natitinag ang pagsuporta ng mga ito sa heneral at sa PNP chain of command.

Iginiit ng mga ito na ang kasalukuyang liderato ng PNP ay naging daan para umangat ang kapabilidad ng mga personnel, bumilis ang police service, at nagpatatag sa bawat miyembro ng pulisya – daan para sa mas malakas at mas responsive na police organization.

Nangako rin ang mga ito na mananatiling tutupad at susunod sa lahat ng ‘lawful order’ ng liderato ng pambansang pulisya, kalakip ng paggampan sa kanilang mga sinumpaang tungkulin bilang miyembro ng PNP.

Kalakip ng manifesto ang pangalan at pirma ng 14 regional directors mula sa Police Regional Office 1 hanggang 13 at mga RD ng Negros Island Region, National Capital Region Police Office, Bangsamoro Autonomous Region, at Cordillera Administrative Region.