Iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang agarang imbestigasyon matapos ang naging sumbong ng netizen tungkol sa dobleng singil ng parking fee ng isang umano’y pekeng parking attendant sa Divisoria.
Ibinahagi ng automotive publication na VISOR ang larawan ng parking fee slip na nagsasabing nagbayad ang motorista ng P100, samantalang ang standard fee lamang para sa light vehicles ay P50.
Ayon sa nagreklamo, nang tanungin ang babae tungkol sa labis na singil, sinabi umano nito, “Ganun talaga bigayan dito.” Hindi rin umano ito nakasuot ng uniporme o may ID na nagpapakilala.
Agad na nag-utos si Mayor Isko sa mga awtoridad na hanapin ang suspek at magsagawa ng pormal na imbestigasyon. Hinikayat din ng special mayor reaction team (SMaRT) ang ibang biktima na magsampa ng reklamo.
Binigyang-diin din ng Manila Public Information Office (Manila PIO) na hindi papayagan ng lokal na pamahalaan ang anumang uri ng panlilinlang at sisiguraduhing mananagot ang mga lumalabag sa batas sa lungsod.
‘Tiniyak ng pamahalaang lungsod na hindi nito kukunsintihin ang anumang uri ng panlilinlang at sisiguraduhing mananagot sa batas ang sinumang mapatunayang lumabag,’ paglalahad pa sa post ng Manila PIO.