Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na bigyang kapangyarihan ang mga local government unit (LGU) na ipagbawal ang online gambling sa kanilang nasasakupan kung ito ang nais ng kanilang komunidad.
Iginiit ni Cayetano na bagama’t maaaring mag-opt out ang mga lungsod sa operasyon ng physical casinos, walang kaparehong mekanismo para sa online gambling.
Binigyang-diin ng senador na kahit ipinagbabawal ang mga pasugalan sa ilang lungsod gaya ng Taguig, nananatiling laganap ang online gambling na maaaring ma-access kahit nasa paaralan o simbahan.
Ipinunto rin ni Cayetano na sa Taguig, matagal nang bawal ang lahat ng uri ng sugal, kahit ang tradisyunal na “sakla” sa lamay, dahil sinasagot ng LGU at DSWD ang gastusin sa libing.
Samantala, tumugon si PAGCOR Chairman Alejandro Tengco na pinag-aaralan ng ahensya ang posibilidad na limitahan sa “designated stations” ang pagtaya, sa halip na payagan ito direkta sa mga cellphone.