Tiniyak ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) ang pagtindig sa pinakamataas na panuntunan sa disiplina.
Sa official statement na inilabas ng AFP ngayong araw, nanindigan ang hukbo na ito ay isang professional institution na itinatag nang may disiplina, integridad, at pagrespeto sa human dignity.
Ayon sa hukbo, hinding-hindi nito hahayaang mamayani ang hazing, physical abuse, pangmamaltrato, at iba pang porma ng pang-aabuso.
Ayon sa AFP, ipinag-utos ni General Romeo Brawner Jr. sa lahat ng unit na panindigan ang pinakamataas na standard ng military conduct at disiplina at i-reject ang lahat ng uri ng hazing at pangmamaltrato.
Mananatili umano ang AFP sa commitment nito na palaguin ang kultura ng propesyunalismo, mutual respect, at accountability.
Ayon sa hukbo, lahat ng personnel, anuman ang rango at posisyon, at dapat tratuhin ng may pagrespeto at dignidad sa training man, seremonya, duty, at maging sa pang-araw-araw na paggampan ng tungkulin.
Kung maalala ay isang bagitong sundalo ang nasawi habang nasa kalagitnaan ng reception rites sa 6 Infantry Division ng Philippine Army sa Mindanao. Ang naturang insidente, ayon sa Phil Army, ay kasalukuyan nang iniimbestigahan.