-- Advertisements --

Isinusulong ng Palawan Provincial Board (PB) na magdaos ng security briefing kasama ang Western Command (Wescom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of National Defense (DND) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ito ay kasunod ng mga serye ng pagsabog na narinig at nakitang smoke trail sa kalangitan dahil sa hinihinalang bahagi ng Long March 12 rocket na inilunsad ng China na bumagsak sa mga katubigan mula sa Puerto Princesa, Palawan at Tubbataha Reef Natural Park.

Idinulog ni Palawan Board Member Ryan Maminta ang pangamba kaugnay sa posibleng pattern sa isinagawang provincial board session nitong Martes, Agosto 5 at sinabing tila palapit ng palapit ang drop zones ng rocket debris ng China sa kalupaan at ipinahiwatig na tila may ipinapaabot itong mensahe sa Palawan.

Sinegundahan naman ni PB Member Winston Arzaga ito na nagpahayag din ng pagkaalarma lalo na’t nakabase sa Palawan ang isa sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site at nagbabalang posibleng maging target ang probinsiya sakaling mabigo ang diplomasiya sa dispute sa WPS.

Malinaw din aniya ang mensahe, na dapat na magkaroon ng mas aktibong papel ang Palawan sa pagbalangkas ng mga polisiya kaugnay sa hidwaan sa China.

Inirekomenda din ni Arzaga na pamunuan ng provincial government ng Palawan ang mga konsultasyon sa naturang usapin.

Samantala, iba naman ang posisyon ni PB Member Roseller Pineda na sinabing plinano at na-coordinate naman nang husto umano ang rocket launch ng China, bagamat hindi naman niya binalewala ang pagkatakot ng mga residente sa gitna na rin ng nagpapatuloy na tensiyon sa WPS.

Masusi namang nakabantay ang mga awtoridad sa Puerto Princesa at sa buong Palawan sa mga katubigan sa silangang bahagi ng probinsiya kasunod ng pagbagsak ng parte ng rocket sa lugar.