-- Advertisements --

Ilang Bar examinees ang diskwalipikado na sa naturang pagsusulit matapos na nilabag ng mga ito ang mga polisiyang inilatag ng Office of the Bar Chairperson, ayon sa Korte Suprema.

Sa isang Bar bulletin, sinabi ni Associate Justice Marvi Leonen na ilang mga examinees ang pumasok sa mga local testing centers nang hindi dinideklara kung sila ba ay tinamaan na dati ng COVID-19, o hindi kaya ay nagpuslit ng mga mobile phones sa loob ng examination rooms at gumamit pa ng kanilang social media sa kanilang lunch break.

“For their infractions, I am exercising my prerogative as Bar Chairperson to disqualify these examinees from the 2020/21 Bar Examinations. I take my constant message of honor to the examinees seriously,” giit ni Leonen.

Pero nilinaw naman niya na ang disqualification ng mga Bar examinees na ito ay para lamang sa 2020/2021 Bar Examinations.

Sa ngayon, ang payo ni Leonen sa mga diskwalipikado nang Bar examinees ay pagnilayan ang kanilang mga ginawang paglabag at matuto rito upang huwag nang ulitin ito sa hinaharap.

May pagkakataon pa naman aniya ang mga ito na bawiin ang kaniang dangal.

Ayon kay Leonen, nasa 219 Bar examinees ang hindi nakakuha ng pagsusulit dahil nagpositibo sila sa COVID-19.

Magugunita na Enero 23 hanggang 25, 2022 dapat ang Bar exams pero naurong ito noong Pebrero 4 at 6, 2022 dahill sa global health crisis.

May mga health workers na nakapuwesto sa entrance ng mga Bar exam venue para kunin ang temperatura ng mga examinees at para matiyak din na nasusunod ang minimum health at safety protocols.