Nagpahiwatig na ang House impeachment managers na malapit nang magsimula ang ikalawang impeachment trial laban kay dating U.S. President Donald Trump.
Kasunod ito ng pormal na pagpunta ng mga House managers sa U.S. Senate para dalhin ang article of impeachment na inihain laban kay Trump dahil sa di-umano’y pag-uudyok nito ng kaguluhan sa Capitol Hill noong Enero 6.
Si Trump ang kauna-unahang pangulo sa buong kasaysayan ng Amerika na posibleng ma-impeach sa ikalawang pagkakataon.
Ang transmission ng Kongreso sa naturang single impeachment article ay isa lamang sa ceremonial functions para sa gagawing pagdinig bago kumpirmahin ng Senado ang Cabinet officials ni President Joe Biden at aprubahan ang COVID-19 relief package nito.
Sa pagdating ng mga House impeachment managers sa Senado ay binasa ni lead House impeachment manager Maryland Democratic Rep. Jamie Raskin ang kaso laban kay Trump.
“Donald John Trump engaged in high crimes and misdemeanors by inciting violence against the government of the United States,” saad ni Raskin.
Bukas ay nakatakdang manumpa ang mga senador na magsisilbing jurors sa gagawing pagdinig.
Mayroon namang dalawang linggo ang legal team ni Trump at ang House managers para magsagawa naman ng pre-trial briefing bago magsimula ang pagdinig sa Pebrero 8.
Naniniwala ang ilang impeachment managers na hindi tatagal ng 21 araw ang impeachment hearing, ‘di tulad noong nakaraang taon.