Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kasama ang ilang Pilipino sa casualties matapos sumalpok at bumaliktad ang isang tour bus sa New York, na ikinasawi ng 5 katao kabilang ang isang bata at dose-dosena ang nasugatan.
Ayon sa DFA, iniulat ng New York Police na ilang casualties ay mga Pilipino, bagamat hindi binanggit kung gaano kadami ang nasugatan o ang kalagayan ng mga apektadong Pilipino.
Nagpaabot naman ang DFA ng dasal sa mga naapektuhan sa insidente. Sa ngayon, hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang karagdagang impormasyon at sa halip ay ipinaabot na kanilang direktang ipapaalam sa pamilya ng mga biktima ang insidente.
Aktibo din aniyang naka-monitor sa sitwasyon ang Konsulada ng Pilipinas at nakahandang tulungan ang mga biktima na mangangailangan ng assistance.
Pinayuhan naman ng Konsulada ang mga Pilipino na may kamag-anak na posibleng sangkot sa insidente na maaaring tawagan ang Assistance to Nationals Section emergency hotline na (917) 294-0196.
Base sa report, nasa 52 turista kabilang ang driver ang sakay ng bus, na karamihan ay walang suot na seat belt, nang mangyari ang bus crash. Nagresulta ito sa pagtilapon ng mga pasahero habang ang ilan ay nadaganan sa ilalim ng sasakyan.
Ayon sa local police, pabalik na sana noon ang tour bus sa New York City mula sa Niagara Falls nang nawalan ng kontrol ang driver sa bus saka sumalpok sa median ng New York State Thruway malapit sa Pembroke town at nagpagulung-gulong ng ilang beses bago ito malaglag sa tabi ng daan. Nangyari ang malagim na trahediya dakong 12:30 pm, local time.
Ilan sa mga kritikal na nasugatan ay inilipad at dinala sa ospital para magamot.