Nananawagan ang grupong nagtatanggol sa mga karapatan ng mga detainee na Kapatid sa bagong talagang officer-in-charge ng Philippine National Police (PNP) na si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na ibasura ang polisiya ng kaniyang predecessor na si dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ukol sa paggamit ng mga drug-related arrest bilang basehan ng performance ng mga pulis.
Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, lalo lamang pinalalala ng ganitong polisiya ang pag-abuso sa kapangyarihan at pagsisikip sa mga kulungan sa halip na masolusyunan ang kriminalidad.
Aniya, panahon na para tuldukan ang paulit-ulit na kwento ng pagtatanim ng ebidensya at gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista. Dapat nang ipatupad ng PNP ang tunay na prinsipyo ng karapatang pantao.
Ang panawagan ay kasunod ng pag-alis kay Gen. Torre bilang PNP chief, alinsunod sa dokumentong nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang hakbang ay bunga ng direktiba ng National Police Commission na repasuhin ang reassignment ng 13 senior police officers.
Nilinaw ni Remulla na hindi lumabag si Torre sa anumang batas at walang kasong kriminal o administratibo. Ito ay simpleng pagpapasya ng Pangulo para sa bagong direksyon ng pambansang pulisya.