Mariing itinanggi ng pamahalaang lungsod ng Baliwag, Bulacan ang pagkakasangkot nito sa umano’y P55 million “ghost project” sa flood control na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Barangay Piel noong Agosto 20.
Sa opisyal na pahayag ng lokal na pamahalaan ngayong Huwebes, Agosto 21, iginiit nitong ang proyekto—isang reinforced concrete river wall sa Purok 4—ay “eksklusibong ipinatupad, pinondohan, at binayaran ng Department of Public Works and Highways (DPWH)” ayon sa dokumentong mula sa Malacañang.
Hindi umano dumaan sa lungsod ang proyekto at walang dokumentong isinumite sa City Engineering Office, at walang naging koordinasyon sa alinmang opisina ng LGU.
Una nang tinawag ni Pangulong Marcos na “kaduda-duda” ang proyekto matapos makatanggap ng ulat na hindi umano umiiral o substandard ang istruktura.
Kinondena rin ng LGU ang nasabing proyekto, tinawag itong “fraudulent” at isang malinaw na pag-aaksaya ng pondo ng bayan.
“Nakikiisa kami sa Pangulo sa pagtutol at pagkondena sa anumang proyektong may anomalya,” dagdag ng lokal na pamahalaan, sabay pahayag ng suporta sa hakbang ng Pangulo na pananagutin ang mga nasa likod ng anomalya.
Una rito, ipinag-utos na ni Marcos Jr. ang agarang pag-blacklist sa kumpanyang SYMS Construction Trading na sangkot sa proyekto at balak ding kasuhan ito sa ilalim ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents.
Hinimok rin niya ang publiko na magsumbong ng mga kahina-hinalang proyekto sa pamamagitan ng ”Sumbong sa Pangulo” website.