-- Advertisements --

Umapela si Senate Committee on Foreign Relations Chairman Senadora Imee Marcos na ipagpaliban muna ang ikalawang round ng umento sa presyo ng krudo sa bansa sa gitna ng anunsyo ng Estados Unidos na ceasefire sa pagitan ng Iran at Israel.

Naunang inanunsyo ni US President Donald Trump na nagkasundo ang Israel at Iran ng “total ceasefire” para wakasan na ang “12 day war” 

Sumang-ayon ang israel sa mungkahi ni trump para sa tigil-putukan laban sa iran, ayon sa pahayag ni prime minister benjamin netanyahu matapos ipahayag ni Trump na epektibo na ang tigil-putukan at nanawagan sa magkabilang panig na huwag itong labagin.

Ayon kay Marcos, dapat paghandaan ang posibleng epekto ng nangyaring giyera sa ating ekonomiya, lalo na pagdating sa mga inaasahang pagtaas ng presyo ng langis.

Iginiit nito na ang presyo ng gasolina ay may epekto sa presyo ng mga bilihin, kaya’t kailangang maingat sa pagtaas ng presyo ng gasolina—lalo na ang diesel, na may direktang epekto sa suplay ng pagkain ngayong tag-ulan.

Gayunpaman, hinimok ng mambabatas ang pamahalaan na patuloy na maghanda sa anumang posibleng pagtindi ng tensyon sa gitnang silangan at ipanalangin ang kaligtasan ng mga overseas Filipino workers (OFW). 

Una nang iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na malaki ang epekto sa bansa dulot ng nangyayaring sigalot sa pagitan ng Israel at Iran partikular ang posibleng pagsirit ng presyo ng langis. 

Bukod dito, sinabi ng senador, apektado rin ang marami nating kababayan hindi lamang sa Iran at Israel maging sa katabi nitong mga bansa. 

Walang nagnanais aniya ng giyera at nakikita ngayon ang epekto o kinahinatnan nitong gulo.