Pormal nang nagtapos ngayong araw, Mayo 10, 2024 ang ika-39 at itinuturing na pinakamalaking Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito ang inanunsyo ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. sa ginanap na closing ceremony ngayong araw sa Camp Aguinaldo kasunod ng pagtatapos ng ikinasang tatlong linggong joint military exercises sa pagitan ng dalawang nabanggit na bansa.
Ayon kay General Brawner Jr. maraming mga kasanayan ang natutunan ng kasundaluhan mula sa naturang pagsasanay na nakakapagpatibay pa sa kanilang alyansa, kooperasyon at kolaborasyon sa iba’t ibang mga bansa gayundin sa pagtatanggol sa bawat teritoryo ng Pilipinas.
Bukod dito ay ipinunto rin ng heneral na kahit magkakaiba ang kanilang mga pinanggalingan ay hindi ito hadlang ang kanilang pagkakaiba-iba dahil ito mismo ang nagpapalakas sa kanila sa kabila ng hamon na kanilang pinagdaraanan dahil sila’y nagtutulungan at may iisa lamang na adhikain.
Kung maaalala, sumentro ang Balikatan Exercises 2024 sa tatlong pangunahing components na kinabibilangan ng Command Control Cxercise, Field Training Exercise, at Humanitarian Civic Assistance na ginanap sa mga lugar na nasasakupan sa Northern Luzon Command, Western Command, at Southern Luzon Command.
Ang mga ito ay humasa pa sa kapabilidad, taktika, techniques at mga procedure ng tinatayang 16,700 na kasundaluhan na lumahok sa naturang pagsasanay na kinabibilangan ng 11,000 sundalo mula sa Estados Unidos, 5,000 miyembro ng Armed Forces of the Philippines at iba pa rito ang mga observer galing sa mga bansang Australia, Japan, France, India, Canada at iba pa.
Samantala, nagbigay din ng mensahe si Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. at nagpaabot ng pagbati dahil sa matagumpay na pagwawakas ng naturang military exercises.
Sa ngayon, nag-uumpisa na silang muli na magplano para sa susunod na taon dahil inaasahan nilang mas magiging challenging at complex ang Balikatan Exercise sa 2025.