Iisang signature ng improvised explosive device (IED) ang ginamit ng mga ISIS (Islamic State of Iraq and Syria)-inspired Abu Sayyaf terrorist group sa ginawa nitong pagsalakay sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu noong Biyernes, at ang kambal na pagsabog sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo noong Enero.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command (WesMinCom) commander M/Gen. Cirilito Sobejana, sinabi nito na batay sa kaniyang assessment ay walang pagkakaiba at parehong-pareho ang istilo sa pag-execute ng mga terorista noong Jolo Cathedral twin bombing at ang pinakabagong insidente.
Dagdag pa rito ang ginamit na improvised explosive device na isang cellphone detonated IED.
Sa ngayon ay bina-validate na ng militar ang ulat na ang isa sa dalawang bombers ay ang anak ng Moroccan na nagpasabog naman sa Lamitan, Basilan.
Nabatid na ang bata na may IED ang siyang pumasok sa loob ng compound ng kampo, habang ang isa pang bomber ay Asian looking na maaaring Malaysian, Indonesian o Pilipino.
Pero pag-amin ni Sobejana, wala pang Pinoy na gumawa ng suicide bombing mission.
“May mga foreign terrorist tayo namonitor in fact ‘yung isang bata na pumasok sa loob ng compound ng kampo ay ina-assess nating mabuti kung ito ‘yung anak ng Moroccan na nagpasabog sa Lamitan,Basilan, sabog ang katawan ng bata at nakita lamang na buo ‘yung kaniyang paa,” ani Sobejana.
Samantala, may panangga na ang militar sa mga ganitong klaseng pag-atake at kanilang sisiguraduhin na hindi na ito maulit pa.
“Yung kanilang tactics, techniques and procedure meron na tayong pang-counter na na-establish,” dagdag pa ng WesMinCom chief.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ng heneral ang ulat ng Philippine National Police- Scene of the Crime Operatives kaugnay sa isinagawa nilang imbestigasyon.