Inihayag ng Estados Unidos ang planong pagpapatupad ng visa bond na maaaring umabot sa $15,000 para sa mga turista at negosyanteng mula sa mga bansang may mataas na kaso ng visa overstay.
Ang programa ay bahagi ng 12-buwang pilot project na layuning subukan kung epektibo ang paggamit ng visa bonds upang matiyak na aalis sa takdang panahon ang mga banyagang bumibisita sa ilalim ng visa na B-1 (business) at B-2 (tourist).
Una nang isinulong ang patakaran mula sa administrasyong Trump noong 2020, na hindi naman agad naisakatuparan.
Buhat nito target ngayon ng polisiya ang mga bansang may higit sa 10% overstay rate na kadalasan ay mula sa Africa at ilang bahagi ng Asya.
Ayon sa ulat, ibabalik ang bond kapag umalis ng maayos ang bumisita sa bansa, naging mamamayan ng US, o nasawi.
Ang listahan ng mga bansang sakop ng programa ay ilalabas sa travel.state.gov makalipas ang 15-araw bago ito ipatupad.
Samantala kinondena ng ilang sektor ang polisiya bilang bahagi ng mas mahigpit na hakbang sa immigration, habang nagbabala ang US Travel Association na posibleng lalong bumaba ang bilang ng mga dayuhang bumibisita sa Amerika, na kasalukuyang nakararanas ng 11.6% na pagbaba sa international tourism.