-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Inanunsyo ni Aklan governor Jose Enrique Miraflores ang kanselasyon ng klase sa lahat ng lebel sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan simula ngayong araw ng Lunes, Nobyembre 3 hanggang bukas araw ng Martes, Nobyembre 4, 2025.

Ito ay bilang precautionary measure upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa inaasahang pagtama ng Bagyong Tino sa Western Visayas.

Una rito, kanya-kanyang palabas ng class suspension ang mga pamunuan ng mga lokal na pamahalaan sa Aklan matapos na nagpalabas ng forecast ang weather state bureau na kabilang ang probinsya sa dadaanan ng Severe Tropical Storm Tino na batay sa huling weather forecast ay mananalasa ito sa Panay Island simula mamayang hapon at magtatagal hanggang sa araw ng Miyerkules, Nobyembre 5, 2025.

Kaugnay nito, kaagad na itinaas sa blue alert status ang mga emergency responders unit upang magbantay at magmonitor sa lagay ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Gary Vilmer Taytayon, chief operations officer ng Aklan PDRRMO, kaagad silang nagtungo sa coastal areas at sa mga low lying areas kung saan inabisuhan ang mga residente na kaagad maghanda.

Nakita aniya ng mga ito na nakatali na ang mga bubong ng mga kabayahan at nakahanda na rin ang mga “go bag” ng mga mamamayan sakaling magpatupad ng pre-emptive evacuation.

Nakahanda na rin aniya ang mga evacuation centers at bukas ang kanilang hotline 24/7 incase of emergency.

Sa kasalukuyan aniya ay nakaantabay sila sa lagay ng panahon at nakahanda na rin ang lahat na kagamitan na gagamitin sa emergency response ng mga personnel.