-- Advertisements --

Pinarerepaso ni Senador Raffy Tulfo ang  Rice Tariffication Law (RTL) dahil bigo umano nitong tuparin ang mga pangako nito. 

Giit ni Tulfo, nahihirapan na ngayon ang mga magsasakang umaasa sa palay bilang kabuhayan na makipagsabayan sa mas murang imported rice, kaya nababawasan ang kanilang kita o hindi kaya ay nalulugi.

Nangangamba ang senador na nanganganib ang kinabukasan ng industriya ng pagsasaka ng palay dahil sa kasalukuyang mga polisiya.

Dagdag pa nito, kailangang suriin  muli ang pag-alis ng quantitative restriction sa pag-aangkat ng bigas. 

Aniya, dahil wala nang direktang partisipasyon ang National Food Authority (NFA) sa pagbili ng bigas, nawalan ng kompetisyon ang mga trader kaya mas madali nilang naipapababa ang farmgate prices at nakokontrol ang presyo sa merkado.

Isiniwalat din ni Tulfo ang umano’y bulok na sistema ng ilang lokal na opisyal sa pamamahagi ng abono, binhi, rice credit, at iba pang tulong mula sa RCEF.