BUTUAN CITY – Sinuspende ng pamahalaang panlalawigan ng Dinagat Islands ang lahat ng biyahe sa karagatan kaninang hapon pati na ang klase sa lahat ng mga paaralang malapit sa baybayin dahil sa banta ng mga tsunami waves na resulta ng magnitude 8.8 na lindol na yumanig sa Kamchatka Region sa Russia.
Ito’y kasunod ng pagpalabas ng abiso ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa lahat ng apektadong local chief executives sa Regions II, III, IV-A, V, VIII, IX, at Caraga Region na magsagawa ng pre-emptive evacuation at mga kaukulang pag-iingat dahil sa inaasahang bahagyang pagtaas ng antas ng dagat dulot ng malakas na lindol.
Kaagad namang inilikas ang mga residenteng nakatira malapit sa baybayin patungo sa mas mataas na lugar at in-activate na rin ang alert status sa lahat ng barangay sa nasabing probinsya.
Samantala, inilikas rin ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa mas mataas na lugar ang mga residente at turista sa Siargao Islands at pinayuhang bumalik na lamang bukas, Huwebes.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Department of Science and Technology Sec. Renato Solidum na minor sea-water disturbance lamang ang naganap sa mga baybayin ng Pilipinas na hindi lumampas ng isang metro ang taas kung kaya’t ilang hakbang lang pa-atras ay sapat na ang tiyak na kaligtasan.