Naghain ang KMPC ng counter manifestation sa National Conciliation Mediation Board tungkol sa Petition nito para ideklara ang illegal strike at tanggalin sa trabaho ang mga opisyal ng Kawasaki United Labor Union(KULU) na nanguna sa strike na nagsimula pa noong Mayo 21, 2025 na nakabinbin sa National Labor Relations Commission.
Sa labingpitong pahinang counter manifestation ng KMPC ay inisa isa ng management ang lahat ng maling paratang ng KULU para bigyang katwiran ang kanilang inilunsad na strike na ngayon ay nasa ika-76 araw na.
Ayon kay Atty. John Bonifacio, external counsel ng KMPC, malinaw na nilabag ng KULU ang “no strike no lockout” clause sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) na nakasaad sa ilalim ng Article XVII, Section 1 ng CBA dated May 24, 2022. Aniya, pinapayagan din sa ilalim ng Article 279(a) ng Labor Code na tanggalin ang mga union officers na nagpartisipa sa illegal strike.
Sinabi ni Atty. Bonifacio na 10.50% + P50.00 ang kabuuang increase na nais ng KULU mula sa KMPC na “financially unsustainable” base sa kasalukuyang sitwasyon ng kumpanya. Kung ikukumpara lubha umano itong mas mataas sa 6% increase na ginawad ng kumpanya kamakailan para sa kanilang Supervisory Union na mayroon ding hiwalay na CBA.
Ipinaliwanag ng KMPC sa NCMB na masyadong mataas ang wage demands ng KULU, kabilang sa hiling ng unyon ay 10.50% annual salary increase para sa July 1, 2024, 2025, at 2026; dagdag na P50.00 kada buwan sa basic pay, uniform provision mula 3 ay gawing 5; May 1st Assistance mula P10,000 ay gawing P15,000; Matrimonial leave na 3 ay gawing 5 araw; Funeral assistance sa namatay na empleyado na P75,000 ay gagawing P100,000 at sa mga family member ay P50,000 mula sa dating P25,000,; Bereavement at Emergency Leave na gagawing 7 araw; perfect attendance incentive na P3,000 kada taon at P400 kada buwan; Motorcycle loan discount na gawing 30% mula sa 11%; educational assistance na gagawing P10,000 mula sa P5,000 at signing bonus na P25,000.00.
Wala ding batayan ang alegasyon ng KULU na mayroong sapat na kita ang KMPC na P162M kada taon at P21M na bank deposits para matugunan ang kanilang mga hiling na dagdag sahod at benepisyo . Inamin ng KMPC na mula 2020 hanggang 2024 ay nasa P688M ang nalugi nila resulta ng pandemic at ang kanilang financial statements ay kanila ding isinumite sa NCMB at NLRC para mapatunayan ito.
Ang CBA negotiation ng KULU at KMPC ay higit 1 taon na sa NCMB at bilang pagpapakita ng “good faith” ay inaprubahan ng management ang ilang demands ng Union maliban sa 10.5%+ P50 increase dahil ang kaya lamang ng kumpanya ay hanggang 5 % kung hindi magsasara na ito bilang resulta ng pagkalugi.
Depensa ng KMPC, sa kabila ng pagkalugi ng kumpanya sa nakalipas na mga taon ay hindi ito nagsagawa ng layoffs bilang konsiderasyon sa kanilang mga empleyado, nagsagawa ng cost-saving measures ang kumpanya kabilang na dito ang pagpapasara sa 14 Kawasaki Service Centers (6 sa Luzon, 8 sa Visayas-Mindanao) sa layunin na makatipid ng P2.6 Million kada taon.
Hiniling ng KMPC sa NLRC na maresolba na ang illegal strike at mapanagot ang nasa likod nito para maibalik na sa normal ang operasyon nito para na rin sa kapakanan ng lahat ng stakeholders.
Ang KMPC na ang mother company ay sa Japan ay may 60 taon nang nagnenegosyo sa PIlipinas at ngayon lamang nagkaroon ng strike sa kanilang CBA.