-- Advertisements --

Inanunsyo ni Chairman Andres Bernal Reyes Jr. ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na sisimulan na ang livestreaming ng mga pagdinig ng komisyon simula sa susunod na linggo.

Ayon kay Reyes, layunin ng hakbang na ito na mapalawak ang transparency at maipabatid sa publiko ang mga isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa mga anomalya sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan.

Ang ICI ay binuo upang magsagawa ng masusing pagsusuri sa mga kontrobersyal na proyekto ng gobyerno, kabilang ang mga isyu sa bidding, implementasyon, at paggamit ng pondo.

Sa pamamagitan ng livestream, inaasahang masusubaybayan ng publiko ang takbo ng mga pagdinig at ang mga testimonya ng mga sangkot na opisyal at kontratista.

Dagdag pa ni Reyes, ang livestream ay magiging accessible sa publiko sa pamamagitan ng mga opisyal na social media platforms ng ICI at iba pang partner media outlets.

Inaasahan na ang unang serye ng pagdinig ay magtatampok ng mga proyekto sa transportasyon, flood control, at public buildings na may ulat ng irregularidad.