Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber 1 na nakatanggap ito ng tugon mula sa Kingdom of the Netherlands kaugnay sa kautusan nito sa Dutch government na magbigay ng obserbasyon hinggil sa hiling na interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Base sa redacted filing na may petsang Setyembre 26, sinabi ng ICC na nakatanggap ito ng komunikasyon mula sa Dutch government noong Hulyo 2, subalit hindi na idinetalye pa ang tugon na natanggap nito.
Nakasaad naman sa dokumento ng ICC na noong Hunyo 20, ipinadala ng Registry ang kautusan ng Pre-Trial Chamber na nag-i-imbita sa host state na magsumite ng obserbasyon nito kaugnay sa isyu ng interim release ng dating Pangulo ng Pilipinas.
Samantala, sa panig naman ng Office of the Prosecutor, tinutulan nito ang request ng depensa para sa interim release at iginiit na ang patuloy na pananatili ni Duterte sa detention facility sa The Hague ay titiyak na haharap siya sa kaniyang trial kaalinsabay nito ang pagpigil sa dating pangulo na manghimasok o i-kompormiso ang imbestigasyon at mga paglilitis sa korte.
















