-- Advertisements --

Ikinababahala ng Ibon Foundation ang umano’y labis na paglobo ng utang ng administrasyong Marcos.

Tinukoy ng economic think-tank ang napakalaking inutang ng kasalukuyang administrasyon kahit na hindi pa nangangalahati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang termino.

Paliwanag ni Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa, hanggang nitong Mayo 2025 aniya, umabot na sa P7.2 trillion ang inutang ng kasalukuyang administrasyon. Ito ay halos 3/4 na ng siyam na trilyong piso (P9 trillion) na nautang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kabuuan ng anim na taong kaniyang paninilbihan.

Kalakip ng malaking halaga ng utang ay ang malaking halaga rin aniya ng ginagamit na pondo para ipambayad sa utang.

Sa loob aniya ng halos tatlong taon ni PBBM, umabot na sa mahigit P5.1 trillion ang naibayad sa utang ng gobiyerno, na halos kapareho na ng P5.16 trillion na naibayad noon ni dating Pang. Duterte.

Hindi aniya kailangang ipagmalaki ng administrasyon na maganda ang debt payment o ginagawang pagbabayad ng utang dahil lumalabas na P7 mula sa P10 na inuutang ng gobiyerno ng Pilipinas ay ipinambabayad din lang utang ng bansa.

Giit ng ekonomista, ang mismong ibinabayad sa utang ng gobiyerno ay nagmula rin sa utang nito.

Dagdag pa ng ekonomista, lumalabas na may nahihirapan ang administrasyon na magpalitaw ng pondo para matugunan ang pangangailangan ng Pilipinas.

Inihalimbawa nito ang mahigit P7.2 trillion na utang ng kasalukuyang administrasyon habang umabot din sa P5.1 trillion ang nagawa ng bansa na bayaran sa loob ng halos tatlong taon ni Pang. Marcos.

Kung susumahin, sa mahigit P7.2 trillion na utang, mahigit P5 trillion dito ang ibinayad ng bansa.