Dadalhin na sa mga kalapit na probinsya sa Calabarzon at Central Luzon ang mga pasyente sa Metro Manila, kung patuloy pang lolobo ang COVID-19 cases.
Ayon kay Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega, ididirekta na ng One Hospital Command (OHC) ang ibang infected ng virus sa malalaking pagamutan sa labas ng rehiyon, para mapunan ang kakulangan ng pasilidad.
Una rito, nagpasaklolo na rin maging ang mga referral hospital para sa karagdagang 30 hanggang 40 percent na medical workers, para matugunan nila ang mataas na bilang ng mga infected ng deadly virus.
Sinabi naman ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) president Jose Rene de Grano, na maging ang mga pribadong pagamutan ay nasa critical level na rin, kaya hindi na nila kakayanin ang sobrang bilang ng mga pasyente.
Hindi naman aniya tinatanggihan ang mga may sakit, ngunit baka maghintay kung wala talagang hospital bed na bakante at silid para sa isolation.