Ibinunyag ng Department of Justice na posibleng mayroon pang mga labi ang itinapon din umano sa ibang bahagi ng Taal lake na kaugnay pa sa ibang kaso bukod sa mga nawawalang sabungero.
Kung saan ibinahagi mismo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mayroon silang impormasyon ngayong tinitinggan na nagsasabing ang ilan sa mga labing ito ay maaring kaugnay sa ‘war on drugs’.
Bukod kasi sa ground zero ng isinasagawang ‘search and retrieval operations’ sa Taal lake, ayon kay Secretary Remulla, mayroon pang ibang palaisdaan ang itinuturing na pinagtapunan din umano ng mga labi.
Kaya’t kanya pang inihayag na kanila itong iniimbestigahan sapagkat ang pagkakadiskubre dito ay iba pa sa imbestigasyong isinasagawa hinggil sa pagkawala ng mga sabungero.
‘Yes, there are few more sites na possible areas na ginamitan kasi yung fish cage area na may fish pond lease agreement is owned by an operative that was part of the contractors that disposed of the remains of this people…,’ ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice (DOJ).
‘Pero meron pa tayong alam na ibang lugar which probably was used not for e-sabong but for something else… Somewhere there in Taal also, very near there also pero ang tingin namin it may have been used for the drug war,’ ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Samantala kaugnay naman rito, ibinahagi pa ni Justice Secretary Remulla na kanyang ipinag-utos ng ipahukay ang ilang bangkay sa Batangas upang maisailalim sa pagsusuri.
Giit kasi niya na ito’y upang maimbestigahan sapagkat walang pamilya o kaanak ang kumuha sa mga bangkay na nadiskubre noon pang 2020.
Maliban raw kasi sa mga nawawalang mga sabungero, nais rin mabigyang linaw ng kagawaran ang ilan pang kaso ng ‘disappearances’ kabilang ang tatlong bangkay na kanyang ipinahuhukay na.
Kaya’t dahil rito, aniya’y isinasama na rin ng naturang kagawaran ang pag-iimbestiga hinggil sa iba pang kaso ng pagkawala na nakikitang may kaugnayan sa naganap na ‘war on drugs’.
Ngunit kanyang tiniyak naman na sila’y nakatuon pa rin sa isinasagawang imbestigasyon patungkol sa mga nawawalang sabungero.
Bagama’t nakatutok ang Department of Justice sa imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungero, binigyang diin ng kasalukuyang kalihim na si Secretary Remulla na kanilang hindi isasantabi ang nadiskubreng posibilidad sa pagkakaugnay ng mga nawawalang sabungero sa nagdaang ‘war on drugs’.