Nakatakas ang isang drug suspect matapos sinapak sa mukha ang isang pulis na nagsilbing poseur buyer sa isinagawang buy-bust operation Huwebes ng umaga,Agosto 7, sa Purok 2, Barangay Tubodio, bayan Loon, Bohol.
Kinilala ang suspek na si alyas Elmer, 33 anyos at residente ng Purok 2, Biabas, Guindulman, Bohol.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Col Norman Nuez, spokesperson ng Bohol Police Provincial Office, sinabi niyang agad nagsagawa ng road blocks at hot pursuit operation ang pulisya matapos makatakas ang suspek na itinuturing na high value individual.
Sinabi ni Nuez na nasamsam sa operasyon ang 255 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.7 million pesos, isang cellphone, buy-bust money, at itim na sling bag.
Batay sa ulat ng pulisya, matapos ang aktwal na bentahan ng droga at habang inaaresto at binabasahan ng karapatan ang suspek, bigla nitong sinapak sa mukha ang pulis nagsilbing poseur buyer.
Sa kalagitnaan ng komosyon, inihagis umano ng suspek ang dalang sling bag sa damuhang bahagi at tumakas papalayo patungo sa bulubunduking bahagi ng Barangay Cogon Norte.
Samantala, makalipas ang apat na oras na hot pursuit operation, muli itong napasakamay ng mga otoridad sa tulong na rin ng mga barangay tanod at mga residente.
Nahaharap ito ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at direct assault to person in authority.
















