-- Advertisements --

Tinanggihan ng mga kongresista ang hiling ni Speaker Alan Peter Cayetano na magbitiw bilang lider ng mababang kapulungan ng Kongreso.

Sa botohang naganap, 184 kongresista ang nagsabing tutol sila sa pagbibitiw ni Cayetano bilang Speaker ng Kamara, 1 naman ang pumabor at 1 abstention

Sa kanyang privilege speech sinabi ni Cayetano na hindi siya indispensable bilang pinuno ng Kamara kaya magbibitiw na lamang siya sa puwesto.

Ginawa ito ni Cayetano isang araw matapos na sabihan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na galangin ang term-sharing agreement nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Cayetano na iginigiit ni Velasco na handa na ito na maupo bilang lider ng Kamara kaya panahon na rin marahil para patunayan niya ito.

Pero pagkatapos ng kanyang talumpati, kaagad na tumayo si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor at iginiit na hindi niya matatanggap ang resignation ni Cayetano.

Matapos na ipahayag ang kanyang suporta, kaagad na nag-mosyon si Defensor na huwag tanggapin ang alok na resignation ni Cayetano, na sinegundahan naman ni Bulacan Rep. Jonathan Sy Alvarado.

Idinaan sa viva voce voting ang naturang mosyon pero kalaunan ay ginawang nominal voting sa pag-giit na rin ni Defensor.

Base kasi sa Section 13, Rule III ng House Rules, anumang leadership post sa Kamara – kabilang na ang speakership post, ay maikukonsidera lamang bakante sa oras na ang naturang opisyal ay mamatay, magbitiw sa puwesto o hindi na kayang gampanan ang kanyang mandato.