Nanindigan ang defense team ni Vice President Sara Duterte na handa silang harapin ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklara sa impeachment complaint bilang unconstitutional.
Sa ruling kasi ng kataas-taasang hukuman, nilinaw nito na bagamat idineklarang labag sa batas at walang bisa ang articles of impeachment dahil sa paglabag sa one-year bar rule at paglabag sa karapatan para sa due process, hindi aniya nila inaabswelto ang Ikalawang Pangulo mula sa charges laban sa kaniya.
Subalit ayon sa defense team, kanilang sasagutin ang mga akusasyon sa tamang panahon at sa tamang forum.
Nauna na ngang sinabi ng defense team na welcome development para sa kanila ang naging desisyon ng Korte Suprema na nagpapatibay sa kanilang pinaninindigan simula’t sapul pa lamang na mahina ang inihaing ikaapat na impeachment complaint ng 215 na miyembro ng House of Representatives noong Pebrero 6, parehong araw na in-impeach ng kapulungan si VP Sara.
Dagdag pa ng defense na muling pinagtitibay ng unanimous decision ng Korte ang rule of law at ipinairal ang konstitusyon laban sa pangaabuso sa proseso ng impeachment.