-- Advertisements --

Nanindigan ang Simbahang Katolika sa posisyon nito para sa total ban o tuluyang pagbabawal sa online gambling sa bansa.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Cardinal Pablo Virgilio David na mas matimbang ang sakit sa lipunang dala ng online gambling kumpara sa bilyun-bilyong revenues o kita na maibibigay nito sa kaban ng gobyerno.

Ibinunyag din ni Cardinal David na pinadalhan siya ng sulat kamakailan ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) chair Alejandro Tengco na dumidepensa aniya, punto sa punto, sa mga isyung idinulog ng CBCP sa pastoral letter nito noong Hulyo a-7 na naghihimok sa pamahalaan na ipagbawal ang online gambling.

Saad pa ni Cardinal David na naninindigan si Tengco na maaaring mawalan ng limpak na salapi ang gobyerno na maaaring magamit para sa social programs, kayat tinugunan aniya ito ng Cardinal na gawin na ding legal ang shabu at lahat ng iba pang pinagmumulan ng adiksiyon ng mga Pilipino dahil pareho lang naman aniya ang logic.

Sinabi din ng CBCP president na imposibleng makontrol o ma-regulate ang pag-access ng mga kabataang bihasa sa tekonolohiya na taliwas sa sinasabi ng regulator na pinakamainam na paraan para mapigilan ang adiksiyon sa online gambling.

Sa ngayon, wala pang ibinibigay na opisyal na posisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isyu ng online gambling subalit sinabi ng Malacañang na pinagaaralan na nito ang mas malawak na epekto ng pagbabawal ng lahat ng uri ng online gambling.