Iginiit ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) ng International Criminal Court (ICC) na walang sapat na batayan ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang paglalabas ng desisyon kaugnay ng kanilang hamon sa hurisdiksiyon ng korte.
Sa isang 8-pahinang pahayag, sinabi ng Office of Public Counsel for Victims na walang legal o procedural na batayan ang kahilingan ng depensa at taliwas ito sa interes ng mga biktima.
Babala ng OPCV, ang anumang delay sa desisyon ay makaaapekto sa karapatan ng mga biktima sa legal na katiyakan at agarang partisipasyon, alinsunod sa Rome Statute.
Ipinunto rin ng OPCV na buo na ang mga argumento kaugnay sa hamon sa hurisdiksiyon at handa na itong pagdesisyunan ng Pre-Trial Chamber, na siyang tagapamagitan bago ang pagdinig ng mga kaso.
Sinang-ayunan din ng Office of Public Counsel for Victims ang posisyon ng ICC Prosecution, na dati nang humiling sa Chamber na tanggihan ang kahilingan ng depensa para sa pagpapaliban, upang maiwasan ang pagkaantala at dagdag gastos.
Ayon sa OPCV, ang pangunahing argumento ng depensa ay nakabase sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 2019, kahit ang mga umano’y krimen ay nangyari mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019 — panahong miyembro pa ang Pilipinas ng ICC.
Nauna nang hiniling ng kampo ni Duterte noong Hulyo 22 na ipagpaliban ang ruling sa hurisdiksiyon, kasabay ng kahilingan para sa pansamantalang paglaya, na pinayagan ng ICC. Ang hiling ay isinampa dalawang buwan bago ang itinakdang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23. (report by Bombo Jai)