LAOAG CITY – Umabot sa 87,488 na residente o 3,377 na pamilya mula sa 10 bayan ang naapektuhan ng bagyong Neneng sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Sa report ng PDRRMO, nananatiling hindi madaanan ang national highway sa Sitio Banquero, Brgy. Pancian, sa bayan ng Pagudpud dahil sa malawakang landslide.
Susubukang ayusin ng mga kinauukulan ang tulay sa Brgy. Tamdagan sa bayan ng Vintar dahil sinira ng malakas na agos ng tubig ang ilalim nito.
Sa Poblacion I sa bayan ng Adams ay hindi rin madaanan ang isang tulay dahil nasira ang approach nito.
Samantala, ang inisyal na danyos matapos ang pananalasa ng bagyo sa sektor ng agrikultura ay aabot sa mahigit P24 million at sa imprastraktura ay aabot naman sa P49.8 million.
Sinuspinde naman ni Gov. Matthew Marcos Manotoc ang klase sa primary and secondary level sa lahat ng paaralan sa lalawigan nitong araw.
Ito ay para siguraduhing walang maitatalang problema sa mga mag-aaral at mabibigyan ng daan para makapagsagawa ng damage assessment.