MANILA – Aabot na sa 656,331 indibidwal na ang naturukan ng mga bakuna laban sa pandemic na COVID-19 sa Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ng Department of Health (DOH) matapos ang halos isang buwan nang pagbabakuna ng bansa laban sa sakit.
“80.23% of the allocated first doses have already been administered, equating to 656,331 administered doses.”
Batay sa datos ng DOH, as of March 27, may higit 1.525-million doses ng COVID-19 vaccines ang Pilipinas. Mula rito, higit 1.233-million doses na ang naipamahagi sa implementing sites.
Katumbas nito ang 80.85% mula sa kabuuang bilang ng mga bakuna.
Sa ngayon, may 2,494 vaccination sites daw na nagro-rolyo ng mga bakuna sa 17-rehiyon ng bansa.
Target ng pamahalaan na maunang mabakunahan ang tinatayang 1.7-million healthcare workers.
Mamayang gabi inaasahang darating ang 1-million doses ng Sinovac vaccines na binili ng pamahalaan sa China.
Kung maaalala, una nang tumanggap ng 1-million doses ng Sinovac vaccines ang bansa matapos mag-donate ang Beijing.
Nakatanggap din ng 525,600 doses ng AstraZeneca vaccines ang gobyerno mula sa COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi pa matutuloy ang pagdating ngayong buwan ng higit 900,000 AstraZeneca vaccines na mula rin sa COVAX.
“Yung AstraZeneca na 979,000 (vaccine doses), ang sabi ni Sec. (Carlito) Galvez, its not going to happen last week or this week. Nagsabi din naman ang WHO sa atin na there might be some delays sa pagbibigay sa atin ng COVAX Facility.”
“The assurance was there na darating ito ng April or early May.”
Nagbabala ang WHO kamakailan na maaaring maapektuhan ang delivery ng mga susunod na bakuna mula COVAX kung hindi susundin ng gobyerno ang priority list sa pagbabakuna.