Nakibahagi sa ilang local basketball games si Memphis Grizzlies star Ja Morant kasabay ng kaniyang pagbisita dito sa bansa.
Nasa Pilipinas ang 2-time NBA All-Star bilang bahagi ng kaniyang international tour kung saan una siyang nagtungo sa Japan at China.
Kabilang sa mga opisyal na bahagi ng kaniyang schedule ay ang pakikibahagi sa exhibition game sa pagitan ng De La Salle Zobel Junior Archers at Team 12, isang grupo ng mga bagitong basketball player na nagsisilbing representasyon ng barangay basketball, isa sa mga pangunahing ipinagmamalaki ng Pilipinas.
Maliban sa exhibition game, aktibo ring nakipaglaro ang 2020 NBA Rookie of the Year sa mga bagitong Pinoy na nanuod sa kaniyang ipinamalas na laro.
Pinagbigyan din ni Morant ang kahilingan ng maraming fans na makita siyang mag-dunk tulad ng kalimitan niyang ginagawa tuwing NBA game.
Sa isang panayam, nagpasalamat ang Grizzlies guard sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Naging mainit din aniya ang pagtangkilik ng mga Pilipino sa kaniyang laro, gayong naging maikli lamang ang kaniyang pananatili sa bansa.