Nananatili sa critical high treshold ang antas ng tubig sa Laguna Lake sa kabila ng tuluyang paghupa ng mga malalakas na na pag-ulan sa National Capital Region at Calabarzon.
Ito ay batay sa tala ng apat na Laguna Lake Development Authority (LLDA) Water Level Monitoring Station Radar Level Sensor (RLS) sa palibot ng lawa.
Sa South Bay, Laguna, umaabot sa 12.84 meters ang lebel ng tubig habang 12.82 meters naman sa East Bay sa Lumban, Laguna.
Sa Central Bay sa Cardona, Rizal, naitala ang hanggang 12.84 meters na water level habang sa West Bay sa Muntinlupa City ay aabot sa 12.88 meters.
Ang mga ito ay pawang mas mataas kumpara sa 12.50 meters na critical high treshold na basehan para sa tuluyang pagtaas ng alerto.
Batay sa mga naunang technical assessment na isinagawa sa naturang lawa sa mga nakalipas na buwan, inaabot ng buwan bago tuluyang bumaba ang water lebvel ng Laguna Lake kapag lumagpas na ito sa critical level, lalo sa panahon ng tag-ulan.
Una itong itinaas sa naturang alerto noong Hulyo-24, 2025 matapos umabot sa 12.51 meters ang water level nito.
Ayon sa LLDA, nananatili ang 24/7 munitoring na ginagawa sa naturang lawa, lalo na sa epekto nito sa mababang komunidad sa palibot ng lawa.
Sa kasalukuyan ay nakalubog pa rin ang ilang mga shoreland barangay sa palibot ng lawa habang ang ilang pamilya na nakatira sa mababang komunidad ay nananatiling nakatira pansamantala sa mga evacuation center.