-- Advertisements --

Isinailalim na sa state of calamity ang Lungsod ng Valenzuela matapos ang matinding pagbaha at malawakang pinsala sa imprastraktura dulot ng mga bagyong Crising, Dante, Emong, at ng pinalakas na habagat.

Batay sa Resolution No. 3503, series of 2025 na inaprubahan ng Sanguniang Panlungsod, pinahintulutan ang paggamit ng pondo para sa agarang ayuda at rehabilitasyon, ayon sa rekomendasyon ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC).

Ayon sa resolusyon, higit 9,000 residente ang inilikas at dinala sa pansamantalang evacuation centers. Patuloy ang relief operations at medical services sa mga apektadong lugar habang isinasagawa ang post-flood assessment.

Nagsagawa rin ang lokal na pamahalaan ng libreng sakay para matulungan ang mga pasaherong apektado ng pagbaha. Nananatili namang naka-alerto ang Valenzuela sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan.