Idineklara na rin ang state of calamity sa Palawan kasunod ng matinding pinsalang iniwan ng nagdaang bagyong Tino.
Kung matatandaan, sa Taytay, Palawan ikapitong nag-landfall ang bagyong Tino at ikawalong nag-landfall sa El Nido, Palawan nitong araw ng Miyerkules, Nobiyembre 6.
Kaugnay nito, maaari nang magamit ang pondo mula sa calamity fund ng probinsiya na nagkakahalaga ng P90 million.
Batay sa Provincial Information Office (PIO) Palawan, ilalaan ang calamity fund para sa pagsasaayos ng mga napinsalang mga tulay, kalsada at iba pang mahahalagang imprastruktura gayundin sa pamamahagi ng tulong pinansiyal at relief assistance para sa mga pamilyang nawalan ng bahay at kabuhayan.
Sa huling situation report mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), pumalo na sa mahigit 97,000 indbidwal ang naapektuhan ng nagdaang bagyo.
Patuloy naman ang isinasagawang damage assessment sa lawak ng pinsalang iniwan ng bagyo sa mga nasalantang lugar at ang pamamahagi ng family food packs sa mga apektadong residente















