-- Advertisements --

Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Davao Oriental matapos ang serye ng malalakas na lindol at patuloy na aftershocks na nagdulot ng matinding pinsala sa imprastruktura at kabuhayan ng mga residente.

Kinumpirma ito ni Director Ednar Dayanghirang, regional director ng Office of Civil Defense (OCD) Region 11, kasabay ng pahayag na patuloy pa rin ang monitoring sa mga apektadong lugar.

Bukod sa lalawigan, nagdeklara rin ng state of calamity ang mga bayan ng Caraga, Manay, Tarragona, at Baganga dahil sa lawak ng pinsala.

Ayon sa ulat, ilang gusali at pasilidad ang hindi na ligtas gamitin matapos ang pagyanig, habang nananatiling alerto ang mga lokal na awtoridad sa posibilidad ng karagdagang aftershocks.

Sa gitna ng “Trembler months,” nanawagan ang OCD sa publiko na maging mapagmatyag, sumunod sa mga abiso ng awtoridad, at makiisa sa mga hakbang ng pamahalaan upang mapabilis ang rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.